Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Jose Rizal: Ang Lalaking Chicks


“Chicks!!! Whooo! Chicks!!” Madalas kong marinig ang mga salitang ito sa mga lalaking mahilig magpapansin sa mga babaeng karaniwan ay kakilala naman nila. Yung tipong dumadaan ka lang, tatabi sila tapos tatawagin kang chicks with matching sipol pa tapos yung iba mapapatingin na lang sa iyo. Sa totoo lang nakakabwisit kaya yung ganun, mukhang tanga lang sila. Kaya bilang ganti pag may pagkakataon ginagawa ko rin sa kanila yun para maramdaman naman nila yung nararamdaman ko kaso parang wala lang, parang natutuwa pa nga sila eh. Hanggang sa makasanayan ko ng palaging gawin ito sa mga kaibigan ko tuwing nagmamaganda sila, mapababae man o lalaki o alanganin.

Kaya naman tuwing mapag-uusapan ang ating pambansang bayani ay hindi maaaring mawala sa paksa ng kanyang buhay ang pagiging palikero niya. Akalain mo yun, isang patpating lalaki na may kalakihan ang ulo nagawang magpa-ibig ng maraming kababaihan. Minsan tuloy naiisip ko kung sa panahong ito kaya nabuhay si Rizal, katulad din kaya siya ng dati na habulin ng mga chicks. Ano nga kayang meron si Rizal at nahumaling sa kanya sina Segunda Katigbak, Leonor Valenzuela, Leonor Rivera, Consuelo Ortiga, O Sei San, Gertude, Nelly Bousted, Suzanne Jacoby at Josephine Bracken?

          Dahil imposible namang may buhay pa sa kanila para sana mausisa ng mga katanungan ko tungkol kay Rizal. Iisa-isahin ko na lamang ang ilan sa mga katangian ng ating pambansang bayani na maaaring nakatulong ng malaki para siya ay maging isang “lalaking chicks”.

          Rizal ang Mama’s Boy: Siguradong marami sa mga babae ay nati turn-off pag nalalamang mama’s boy ang isang lalaki. Sino ba namang hindi? Parang ang dating kasi ay wala siyang “backbone” o sa madaling salita hindi marunong tumayo sa sariling paa. Ngunit taliwas dito ang naging pagkatao ng ating pambansang bayani. Sa halip siya ay lumaking may paninindigan hindi lamang para sa kanyang pamilya kundi maging para sa bayan. Ang pagmamahal at pagmamalasakit ng kanyang ina ay isa sa mga dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagmamahal ni Rizal sa ating bayan. Dahil para sa kanya ang bayang Pilipinas ay ay nararapat lamang ituring na ina ng bawat Pilipino. Marahil isa ito sa nagustuhan ng mga babae kay Rizal, dahil naramdaman nila na marunong siya magmahal ng totoo at wagas.

          Rizal ang manunulat: Sino ba namang babae ang hindi kikiligin kung may isang lalaking mag-aalay ng isang tula na ginawa niya para sayo? Sabi nga nila madaling mahulog ang loob ng isang babae sa isang lalaking may matamis na dila. Idagdag pa ang kanyang pagiging nobelista at mga makabuluhang artikulo na isinulat, patunay lamang na mayroon siyang malawak na pag-iisip. Isipin niyo na lang kung anong klaseng panunuyo ang ipinamalas niya sa mga naging kasintahan niya gamit ang mga katangiang ito.

          Rizal ang edukado: Wala naman sigurong babae na hindi nangangarap ng isang lalaki na may mataas na pinag-aralan. Lalo na kung katulad ni Jose Rizal na bukod sa nakapag-aral sa mga kilala at pribadong eskwelahan sa ating bansa ay nagawa ding makipagsapalaran at makapag-aral sa ibang bansa. Idagdag pa ang iba’t-ibang mga kaalaman at katangiang tagalay niya katulad ng pagiging doktor, manunulat, linguistic, philantrophist at naging mabisang inspirasyon sa maraming Pilipino at maraming pang iba.

          Sa huli, batid ko na mahirap pa ding makahanap ng konkretong sagot sa ating mga katanungan tungkol sa ating pambansang bayani. Pero kung ako ang tatanungin mas mabuti na sigurong hindi natin lubos na maunawaan ang ibang mga bagay tungkol sa kanya. Sa ganitong paraan mapapanatili niya ang ika nga ay “mysterious side” niya. Hindi ba isa ito sa mga nagugustuhan ng ibang babae sa mga lalaki ang pagiging misteryoso nila. Yung tipong kala mo alam mo na lahat pero hindi pa pala, at least hindi siya boring kase andun pa rin yung thrill and excitement na kilalanin siya ng paulit-ulit.

 By: Nikki Bayona


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento